Binigyang-diin ng Malacañang na hindi maituturing na iresponsable ang mga binitiwang pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Canada kaugnay sa tone-toneladang basura nito na nananatili sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, sa apat na taong pananatili ng mga basura ng Canada sa Pilipinas, ang mga pahayag na ito ni Pangulong Duterte ay ekspresyon lamang ng galit sa pamamagitan ng matatapang na salita.
Una na rin namang nilinaw ng Malacañang na figure of speech lamang ang mga bantang ito ni Pangulong Duterte lalo wala naman talagang bansa ang nais na magsimula ng panibagong gera.
Gayunman, iginiit ng Malacañang na seryoso ang pangulo sa nais nitong pagpapabawi sa Canada ng kanilang mga basura.
“Bakit naman irresponsible, eh apat na taon mong tinapon iyong basura sa bansa natin hindi ka magsasalita ng ganoon. That was an expression of outrage couched in a very strong term,” ani Sec. Panelo.