Pinaigting ng Department of Trade and Industry ang pagbabantay at monitoring nito sa maraming produkto na mabibili ng mga Pilipinong konsyumer online.
Kung saan tiniyak ng naturang kagawaran na seryoso umano sila sa ginagawang paghihigpit sapagkat anila, kasalukuyan ay kadalasang ginagamit na ng publiko ang mga e-commerce platforms.
Ayon mismo sa kalihim ng Department of Trade and Industry, na si Secretary Maria Cristina Roque, malakas kasi magpasahanggang ngayon ang online-shopping na aniya’y nag-umpisa noong pandemya.
Dagdag pa niya, kamakailan lamang ay ikinasa ang isang pagpupulong kasama ang mga malalaking kumpanya ng e-commerce platforms upang iparating na ang kagawaran ay nababahala na sa mga produktong agarang nabibili online.
‘Yes actually uhm, malakas ngayon talaga ang online shopping lalo na during the pandemic duon talaga nag-umpisa yung talagang very strong online shopping. The DTI is really now enforcing and really monitoring itong mga e-commerce platforms,’ ani Secretary Maria Cristina Roque ng Department of Trade and Industry (DTI).
Dahil dito, ipinagmalaki ng naturang kalihim na day-to-day basis ang kanilang isinasagawang pagmo-monitor para sa kanilang pagtutok sa mga produkto online.
Ngunit, babala naman ni Secretary Roque na dapat ay hindi lamang ang kagawaran ang kumikilos bagkus hinimok niya ang publiko na maging mapanuri at maingat din sa mga binibili.
‘As DTI, we really monitor and enforce on a regular basis… But as consumers, kailangan rin po tayo maging vigilant para kahit papano napoprotektahan natin yung sarili natin from this fraudulet sellers noh,’ pahayag ni Secretary Maria Cristina Roque ng Department of Trade and Industry (DTI).
Kaya naman, panawagan niya na agarang i-report sa kanilang tanggapan ang mga online shop na nakapambiktima o nanloko sa kanila.