-- Advertisements --

CEBU – Pinalawig pa ni Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia ang pag-ban ng mga live hogs at pork-related products na galing sa Iloilo, Panay Island at Guimaras.

Inihayag ng gobernadora na ang pagbabawal ay pinalawig hanggang Hunyo 30 sa susunod na taon.

Noong Oktubre 13 nitong taon, inilabas ni Garcia ang Executive Order No. 42 na nagpapataw ng pagbabawal sa loob ng 60 araw o hanggang sa Disyembre 12.

Ayon kay Garcia na nakita ng probinsiya na kailangan pang palawigin ang nasabing pagbabawal dahil hindi pa napipigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa Iloilo.

Habang, nilinaw naman ng Cebu provincial veterinarian, Dr. Mary Rose Vincoy, na saklaw ng nasabing pagbabawal ang Guimaras matapos na makumpirma ang mga kaso ng ASF sa nasabing lalawigan.

Aniya, ang pagpapalawig ng pagbabawal ay bahagi ng pagsisikap ng lalawigan na protektahan ang P11-billion hog industry ng Cebu.

Sa kabila nito, siniguro ni Vincoy na sapat pa rin ang supply ng baboy dito sa Cebu.

Ang mga live hogs at pork-related products na mula sa Luzon, Mindanao at Eastern Visayas ay ipinagbabawal din na makapasok sa Cebu.