(Update) DAVAO CITY – Matapos ang inilabas na El Niño advisory ng weather bureau, pabor ang Protected Areas Management Board (PAMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na temporaryong ipasara na ang Mt. Apo sa mga climbing activities simula ngayong araw para maiwasan ang grass o forest fire ngayong summer.
Ayon sa DENR-Provincial Environment and Natural Resources Office (Penro)-Davao del Sur na simula ngayong araw ay pinagbawalan na ang mga climbers na umakyat sa nasabing bulkan na delikado sa sunog dahil sa mainit na temperatura.
Kabilang umano ito sa kanilang preventive measure para maiwasan ang nangyari noong Marso 2016 na nasa 115 ektarya ng kagubatan at mga damo ang nasunog kung saan ang mga climbers ang itinuturong responsable nito.
Napag-alaman na may pitong mga trails papunta sa Mt. Apo peak na kinabibilangan ng Sta. Cruz, Bansalan, Digos City, Kidapawan City, Makilala, Magpet at Barangay Tamayong, Calinan, Davao City.
Sinasabing doble ang mga climbers na umaakyat sa Mt. Apo peaks panahon ng summer at holy week dahil sa holiday at bakasyon.