-- Advertisements --

Cotabato City – Fake news ang kumakalat sa mga social media sites na bawal nang manirahan sa Shariff Aguak sa nasabing lalawigan ang mga miyembro ng nasa kabilang dimensyon o ang LGBTQIA plus.

Itinanggi ito ni Secretary to the Mayor Datu Anwar Emblawa at tinagurian nya ang kumakalat na issue bilang fake news at walang katotohanan.

Aniya, malaya na makakakilos at makakapanirahan sa bayan ang mga LGBT members at iginiit nito na sila ay welcome sa bayan ng Shariff Aguak.

Samantala, mahigpit naman na ipinatutupad ng nabanggit na pamahalaang bayan ang pagsusuot ng Hijab o Tandong ng mga kababaihang muslim ng Shariff Aguak.

Ani Emblawa sa panayam, ito ay ibinaba ng mismong alkalde na si Mayor Datu Akmad Ampatuan.

Ayon sa kalihim, isang obligasyong pangrelihiyon ang ibinabang utos kaya ito mahigpit na ipinatutupad.

Ngunit nilinaw naman nito agad na ito ay compulsory para sa mga kababaihang Muslim at hindi sapilitan para sa mga di kaanib sa relihiyong Islam.

Idinagdag ni Embawa na di ito ipatutupad sa sa mga dayo o mga turistang babae na papasok sa bayan kaya walang dapat na ipagalala ang mga papasok sa Shariff Aguak.