-- Advertisements --
call center ph

Naninindigan ang Department of Trade and Industry (DTI) na kailangan nang tanggalin ang locational investment restrictions, kabilang na ang business process outsourcing (BPO) operations sa Metro Manila.

Ito ay upang magkaroon pa ng mas maraming trabaho para sa mga manggagawang Pilipino na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemic.

Ayon kay Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, sinusuportahan ng ahensya at Board of Investments (BOI) ang rekomendasyon ng business sector na aralin ang Investment Priorities Plan (IPP) at tanggalin ang geographical qualifications para magkaroon ng subsidies, incentives at programa.

Sa ngayon aniya ay naghahanda na raw ng sulat ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA), na siyang pinangangasiwaan din ni Lopez, na humihikayat sa Office of the President na tanggalin ang moratorium sa ilalim ng Executive Order No. 18 ukol sa pagtatayo ng bagong BPO operations sa Metro Manila alinsunod sa probisyon ng bagong CREATE Law.

Sinabi naman ni PEZA Deputy Director General Tereso Panga na may bagong sulat ding inihahanda kung saan gagawing basehan ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) Law para tanggalin ang EO 18, na unang inisyu noong Hunyo 2019 na nagbabawal sa pagdagdag ng BPO operations sa Metro Manila nang sa gayon ay maikalat pa ang labor-intensive industry sa mga probinsya at magkaroon ng mas marami pang economic activites sa mga rehiyon.

Hinihintya na lang daw na mapirmahan ni Director-General Charito Plaza ang nasabing sulat bago ito ipadala sa Office of the President sa mga susunod na araw.

Dahil sa pagbabawal ng EO 18 na bigyan ng tax incentives ang mga bagong BPO companies sa Metro Manila, ilang kumpanya ang hindi na itinuloy ang kanilang expansion sa Pilipinas dahil sa paniniwala nilang maganda ang lokasyon sa Maynila upang palawigin ang kanilang operasyon.

Tumanggi na rin ang ilang existing BPO operators na palawigin ang kanilang operasyon sa mga probinsya dahil sa iba’t ibang rason, isa na rito ang seguridad ng kumpanya.

Dagdag pa ni Panga, walang kumpletong datos na hawak ang PEZA na magpapakita sa naging epekto ng naturang moratorium sa mga nawalang trabaho, gayundin ang epekto nito sa office economic zone spaces sa National Capital Region (NCR), pero kung pagbabasehan daw ang impormasyon mula sa IT-Business Process Association of the Philippines, aabot ng 40,000 hanggang 50,000 trabaho sa BPO industry ang nawala.

Bumaba rin ang demand para sa office space ng 126,940 square meters mula sa annual demand na 450,000 sqm.

Paliwanag ng opisyal, ang BPO operations sa Kalakhang Maynila ay sakop ng tax incentives sa ilalim ng TIER 1 ng CREATE Law.