Itinuturo ngayon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagbabawal ng pagdalaw sa mga preso sa New Bilibid Prisons ang puno’t dulo sa sumiklab na riot kahapon.
Matatandaang sa nasabing kaguluhan, pumalo sa apat ang naitalang patay habang mahigit sa 60 ang sugatan.
Ayon kay BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, dahil sa ilang buwan nang walang bumibisita sa mga bilanggo bunsod ng COVID-19 pandemic, matindi raw ang epekto nito sa mga preso.
Kaya naman, sinabi ni Chaclag na bilang tugon dito ng pamunuan ng BuCor, pinayagan ng kanilang hepe na si Usec. Gerald Bantag ang pagbabalik ng reformation activities sa loob ng piitan tatlong araw na ang nakalilipas.
Pinapahintulutan din ang mga inmates na tumanggap ng electronic visits (e-dalaw) at binigyan din ng pribilehiyong makatawag sa labas.
“Ilang buwan na pong walang dalaw. Kahit konting girian lang ay nagkakaroon ng matinding effect sa kanilang grupo,” wika ni Chaclag sa isang panayam.
Sa ngayon, sinabi ni Chaclag na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa pangyayari kung saan kasama sa kanilang inaalam ay kung papaano naipuslit ang ginamit na mga armas sa loob ng Bilibid.
Una nang inatasan ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng parallel investigation o palawakin pa ang nagpapatuloy nitong pagsisiyasat kaugnay sa naunang riot noong nakalipas na buwan kung saan siyam na bilanggo ang naitalang patay.