-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakatakdang dumalo si Labor Sec. Silvestre Bello III sa pagpupulong ng mga Asian Ministers of Labor na gaganapin sa Singapore sa Abril 28.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Bello na pangunahing pag-uusapan sa pulong ng kanyang mga counterparts sa mga bansa sa Asya ang “future of work.”

Ito ay dahil kapansin-pansin daw ngayon ang pagtatrabaho ng mga robot sanhi para mawalan ng trabaho ang ilang sektor.

Inihalimbawa ng kalihim na noong dumalo siya sa isang forum sa Dubai ay nakita niya na robot ang nagsisilbi ng kape at noong sumakay naman siya sa taxi ay walang drayber kundi pinapatakbo ng computer.

Sinabi ni Bello na nais niyang i-lobby sa pagpupulong sa Singapore na hindi dapat maapektuhan ang mga manggagawa sa paggamit ng mga robot bilang trabahador.