CENTRAL MINDANAO – Ipinaalam ng lokal na pamahalaan ng Pigcawayan, Cotabato sa publiko na muling ipagbabawal ang mga tricycles, at pedicabs sa national highways.
Ito ay kaugnay sa Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
Maliban dito ay nagpalabas din ang DILG ng Memorandum Circulars 2020-036, at 2020-004 na nagbabawal sa operasyon ng mga tricycles at pedicabs sa mga national roads at panuntunan sa kondisyong dapat sundin para sa operasyon at pagbigay prangkisa sa mga tricycles.
Bago pa man magsimula ang pandemya ng COVID-19 ay ipinagbabawal na ito ng batas para na rin sa kaligtasan ng publiko.
Kaugnay nito ay muling nananawagan si Mayor Jean Dino Roquero sa lahat na tumalima sa ipinapatupad na tricycle route plan o paggamit ng secondary roads.
Buong araw naman ang pagbabantay ng TMU personnel sa mga crossing ng Nallos/Midpapan 2 (papuntang Bagsakan Area sa Pob. 3) para sa mga tricycle/pedicab na mula sa DVO-COT highway at sa crossing Buluan naman (papunta Pob. 2) para sa mga manggagaling ng COT-DVO highway.