-- Advertisements --

Sang-ayon ang Department of Health (DOH) na dapat ay pag-aralan ng pamahalaan kung babawiin ang resolusyon ng pagpayag na palabasin ang mga batang edad limang taong gulang anyos pataas.

Ito’y para sa mga lugar na nasa ilalim ng general at modified general community quarantine sa gitna ng banta ng Delta variant ng Coronavirus Disease (COVID).

Sa public briefing sa government television ngayong Sabado, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ikonsidera ang presensya ng mas nakahahawa at mas mabagsik na Delta variant.

Ayon kay Vergeire, kailangan munang gumawa ng monitoring at assessment ang DOH sa mga restriction bago magbigay ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF).

“Kailangan po nating pag-aralan, of course. Because there is another factor that has to be considered, kung saan naka-detect tayo ng Delta variant,” ani Vergeire.

Dagdag nito, “Ito pong mga ganitong pagkakataon or mga restrictions na ito, pag-uusapan po iyan lahat and we will be monitoring closely and continuosly assess para po makakapag-rekomenda tayo sa IATF.”

Muli rin nitong hinimok ang publiko na mag-ingat at sumunod pa rin sa health protocols kahit may pagluluwag ng restrictions.

Kung maaalala pinayagan na ng IATF na lumabas ang mga kabataang five years old pataas sa mga open-air spaces gaya ng mga parke, restaurant na al fresco o outdoor, at mga lugar sa labas ng mga mall.

Gayunman, aabot sa 16 na dagdag-kaso ng Delta variant ang naitala nitong Biyernes kung saan 11 dito ay local cases.

Ang COVID variant na ito ang itinuturo sa pagdapa ng healthcare system sa India, at pagsirit sa ilang parte ng Southeast Asia.