Magpatupad ng pagbabawas sa alokasyon ng tubig ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Metro manila sa mga susunod na araw.
‘Yan ay kung bababa pa sa 195 metro ang water elevation sa Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng tubig ng rehiyon.
Nitong Martes, nasa 196.15 meters na lang ang water level sa Angat na nagsusupply sa 90% na kailangang tubig ng Metro Manila.
Kaya naman, muling pinaalalahanan ni MWSS Division Manager Patrick Dizon sa publiko na pagtitipid sa paggamit ng tubig.
Una rito, nagpatupad na ang MWSS ng bawas sa water pressure tuwing off peak hours o mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw upang makatipid sa tubig.
Pinaghahandaan na rin ang posibleng pagbaba pa sa minimum operating level na 180 meters ang water level sa Angat kung hindi pa rin uulan sa mga susunod na mga linggo.