CENTRAL MINDANAO- Nasa 32 na mula sa 43 mga dati at mga bagong land owners ng ginagawang Central Mindanao Airport (CMA) ang nabayaran na.
Ito ang inihayag ni Atty. John Paul Zerrudo, ang project in-charge at Provincial Legal Officer ng provincial government ng Cotabato.
Sa ngayon aniya ay ubos na ang unang tranche ng pondo ng Department of Transportation ( DOTr) at inaantay pa ang second tranche ng pondo upang mabayaran ang natitirang 11 land owners.
Kasalukuyan na rin aniyang pino-proseso ang transfer of ownership para sa 10 titulo tungo sa provincial government.
Pinuri ni Atty. Zerrudo ang kakayahan ni Cotabato Governor Nancy Catamco sa pagresolba sa problema tulad ng naantalang airport.
Gayundin ang mga land owners at si Mlang Mayor Atty. Russel dahil sa masigasig na kooperasyon ng mga ito upang matapos na ang lahat ng mga dokumentong kinakailangan para sa remarkable project ng Catamco administration.
Dahil sa Covid-19 crisis ay nasa 3% pa lamang ang ginagawang fencing ng CMA dahil hindi aniya taga rito sa lalawigan ang contractor ng DOTr.
Ngunit tiwala si Atty. Zerrudo na sa taong 2021 ay mayroon nang makalilipad na eroplano sa CMA na malaking tulong aniya hindi lamang sa turismo ng lalawigan kundi lalo’t higit sa ekonomiya at mamamayan.
Samantala, pinasalamatan naman ni Board Member Philbert Malaluan si 3rd District Congressman Jose ” Pingping” Tejada sa malaking papel nito para sa reyalisasyon ng Central Mindanao Airport partikular ang paglalaan ng pondo at ugnayan sa tanggapan ng DOTr at Civil Aviation Authority of the Philippines or CAAP.