Hindi pa rin daw dapat magpapakampante ang pamahalaan sa kabila ng pagbaba ng inflation rate ng bansa sa 3.8 percent.
Ayon kay Akbayan Party-list Rep. Tom Villarin, ang pagbagal ng inflation ay bunga ng mga external factors.
Pero wala naman aniyang katiyakan kung hanggang kailan matatamasa ng bansa ang mga external factors na ito tulad ng pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market, gayundin ang paglakas ng piso kontra dolyar.
“External factors are like pendulum swings that go to extremes. Right now it is to our advantage. For how long is not for us to decide,” ani Villarin.
Kahit na inaasahan na makakatulong din sa sirkulasyon ang paggastos ng mga kandidato sa darating na halalan, babagsak naman daw ang agricultural production bunsod ng El Niño.
Kaugnay nito, pinahahanda ng ilang kongresista ang pamahalaan sa posibleng pagbilis muli ng inflation rate sa bansa sa mga susunod na buwan dahil sa epekto ng El Nino phenomenon sa supply ng pagkain.
Ginawa ni 1-Pacman Party-list Rep. Mikee Romero ang pahayag matapos na bumagal sa 3.8 percent ang inflation rate para sa buwan ng Pebrero.
Para kay Romero, mainam na pabilisan na ang implementasyon ng Rice Tariffication Law lalo pa aniya at inaasahan na pagkatapos ng tagtuyot ay ang lean months naman sa pag-aani.
Bukod dito, dapat aniya na bantayan din ng pamahalaan ang pagtaas ng bayad sa mga upa sa mga pabahay.
Isa rin daw kasi ito sa mga top contributors sa overall inflation noong nakaraang buwan.