Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang patuloy na pagbaba ng inflation rate ng bansa, na aniya’y patunay na epektibo ang hakbang na ginagawa ng economic team ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. upang mapababa ang presyo ng bilihin at pagprotekta sa kapangyarihang bumili ng mga Pilipino.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal ang inflation rate sa 2.1% noong Pebrero mula sa 2.9% noong Enero, na nagpapakita ng patuloy na positibong direksyon ng ekonomiya ng bansa.
Binigyang-diin ni speaker romualde na nananatiling nakatutok ang administrasyon sa seguridad sa pagkain at katatagan ng ekonomiya, kung saan aktibong sumusuporta ang Mababang Kapulungan sa pamamagitan ng mga batas na nagpapagaan sa buhay ng mga Pilipino.
Binanggit ni Speaker Romualdez ang determinadong hakbang ng gobyerno, lalo na sa pagsugpo sa mataas na presyo ng bigas, smuggling, at hoarding, na aniya’y naging susi sa pagbaba ng inflation.
Malaki rin ang papel ng Quinta Committee (Quinta Comm) sa pag-iimbestiga ng mga iregularidad at pagtiyak na nananatiling abot-kaya ang mahahalagang produkto para sa publiko.
Aniya, ang patuloy na pagbaba ng inflation ay patunay ng matatag na pamumuno at epektibong mga patakarang pang-ekonomiya na nagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.
Tiniyak din niya sa publiko na patuloy na magsisikap ang gobyerno upang mapanatili ang trend na ito, na magdudulot ng mas malaking ginhawa sa mga pamilyang Pilipino.
Muling iginiit ni Speaker Romualdez ang pangako ng administrasyon sa pangmatagalang katatagan ng ekonomiya, na may mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng lehislatibo at ehekutibo upang palakasin pa ang bansa.
Hinikayat din niya ang lahat ng sektor na suportahan ang mga inisyatiba ng gobyerno na naglalayong mapalakas ang seguridad sa pagkain, mapanatili ang katatagan ng enerhiya, at lumikha ng mas maraming trabaho.