-- Advertisements --
Salvador Panelo / Photo © PTV4

Labis na ikinatuwa ng Malacañang ang pagbagal pa ng inflation o ang antas ng pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa pinakabagong report ng Philippine Statistics Authority, nasa 3% ang inflation rate ngayong Abril, kompara sa 3.3% noong Marso.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, naitala ang pagbagal pa ng inflation sa kabila ng El Niño phenomenon o tag-init kung saan kadalasang apektado ang produksyon ng pagkain sa bansa.

Ayon kay Sec. Panelo, ang pagbagal ng inflation ay bunga ng matibay na political will at mabilis na aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng supply ng pagkain.

Kumpiyansa naman ang Malacañang na mas babagal pa ang inflation bago matapos ang taon kasunod ng pagpirma ng pangulo ng Republic Act No. 11203 o ang Rice Tarrification Act.

Iginiit ni Sec. Panelo na sampal din ang nasabing inflation sa mga kritiko ni Pangulong Duterte na kumukwestiyon sa kanyang kakayahan pagdating sa pamamahala sa ekonomiya ng bansa.

“Much has been said about the economic policies of the Chief Executive. The current disinflation proves PRRD’s competence in managing our country’s economy while it disproves those who criticize him for over-focusing on our nation’s peace and order situation,” ani Panelo.

Tinitiyak naman ng Malacañang na patuloy na nakatutok ang gobyerno sa presyo ng mga bilihin at hindi ito titigil sa pagsulong ng mga programa pra tulungan pang maiangat ang buhay ng mga Pilipino.

“The Government, through the President’s economic managers, has been constantly monitoring the prices of basic goods and commodities and will not relax its efforts but will press ahead with programs designed to assist each and every Filipino with their expenses,” dagdag ni Sec. Panelo.