CAUAYAN CITY – Pinangangambahan ng Federation of Free Farmers ang pagbagsak ng presyo ng palay ngayong dry season dahil sa patuloy na pagpasok ng imported rice sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Raul Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na noong nakaraang taon ay naitala ang 2.9 million tons ng naangkat na bigas na nadagdagan pa ng 260,000 tons pagpasok ng Enero, 2022.
Aniya, sobra ito sa pangangailangan ng Pilipinas dahil tuwing katapusan ng Disyembre ay pangkaraniwang mataas o maraming nakaimbak na bigas dahil sa katatapos na anihan maliban pa sa pumasok na imported na bigas.
Dahil dito pinangangambahan nila na maaaring bumagsak ang presyo ng palay sa darating na anihan para sa dry season dahil sa dami ng bigas sa merkado.
Batay sa kanilang datos, pagpasok ng buwan ng Marso ay kadalasang naglalaro o katumbas ng apat na buwan ang stock level ng bigas sa bansa.
Sa katunayan ay nakasaad sa safe guards ng Rice Tariffication Law ang pagbibigay ng pahintulot sa pamahalaan na pansamantalang magtaas o magdagdag ng taripa upang maregulate o mapahupa ang pagpasok ng rice imports subalit tila nagbubulag bulagan ang Department of Agriculture (DA) dahil tatlong taon nang naghihirap ang mga magsasaka sa bansa.
Sa halip na mapataas ang presyo ng palay at makinabang ang mga magsasaka ay tanging ang mga importers at negosyante lamang ang nakikinabang sa naturang batas.
Kung siya ang tatanungin ay pinakamainam na gawin ngayon ng pamahalaan ay mapigilan at pahupain ang pagpasok ng rice imports.
Sa ngayon tanging ang pagtaas ng singil at pagbabalik ng taripa maging ang pagpapataw ng lisensiya sa importers ang nakikitang paraan upang matugunan ang patuloy na pagbuhos ng imported rice at mapataas ang presyo ng palay.