-- Advertisements --

DAVAO CITY – Tinatayang nasa mahigit 1.4 milyon pesos ang damyos na tinamo sa agrikultura matapos ang naranasang pagbaha sa iilang bahagi ng Davao del Norte.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Debbie Alilaya, sa bayan ng Kapalong, nasa kabuuang P1,450,587 ang naitalang damyos kung saan apektado ang 169 na magsasaka.

Partikular na naapektuhan ang taniman ng palay mais, gulay, cacao at saging sa Brgy. Katipunan, Kapungagan, Simong, Tiburcia at Pag-asa na sakop sa Kapalong, Davao del Norte.

Iilang araw na rin na nararanasan ang pag-ulan sa rehiyon ng Davao dahil sa trough sa Low-Pressure Area na nagresulta sa pagbaha. Nasa 27 na pamilya o mahigit kumulang isang daang indibidwal ang isinailalim sa Pre-Emptive Evacuation.

Habang sa Cabaywa, Asuncion, Davao del Norte naman, isang 5 years old na bata ang nalunod sa baha, at nasa 12 na pamilya ang apektado. Tinatayang nasa P5 milyon din ang halaga ng damyos na iniwan ng baha sa agrikultura ng nasabing bayan.

Sa kabilang dako, naglabas ng geohazard advisory ang Mines and Geosciences Bureau kung saan sinuspendi muna nito ang operasyon ang small-scale miners dahil sa pag ulan. Pinangangambahan ng ahensya ang posibleng landslide partikular na sa Davao de Oro.

Ayon kay MGB 11 Supervising Geologist Capter John Tubo, partikular na tinukoy na kanilang ahensya ang mga lugar sa Purok Ecoland, Sitio Diat, Barangay Napnapan, Pantukan, Davao de Oro na kamakailan lamang ay may nangyari ng pagguho ng lupa.

Pinaalalahanan din ng ahensya ang mga residente na naninirahan sa mining areas kagaya ng sa Diwalwal at Mt. Diwata, sa kadahilanan na kasama ang naturang mga lugar sa listahan ng hazard prone areas.

Una ng nagrekomenda ang MGB ng pre-emptive evacuation para sa nasabing mga residente sa Monkayo, Davao de oro, kasabay ng paalala na patuloy ang pakikipag ugnayan ng mga ito sa local responders.