Inamin ng gobyerno na aabutin ng tatlo hanggang limang taon bago matapos ng pamahalaan ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa target na 60 milyong Pilipino.
Sinabi ni National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., nasa 20 million hanggang 30 million katao lamang ang kayang mabakunahan kada taon.
Ayon kay Sec. Galvez, sa katapusan ng 2021 o sa 2022 pa maaring masimulan ang pagbabakuna.
Uunahing turukan ng bakuna ang mga nasa National Capital Region, CALABARZON, Central Luzon, Davao, Cebu at Cagayan de Oro na nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19.
Sa ngayon, nakikipagnegosasyon na ang pamahalaan sa mga kompanyang AstraZeneca, Sinovac Biotech at Pfizer para sa pagbili ng bakuna.
Aabot sa P73 billion pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa bakuna.