Target ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) na simulan na ang pagpapalawig pa ng vaccine rollout sa bansa sa general population at sa mga batang may comorbidities sa buwan ng Oktubre.
Ayon kay NTF chief implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. inaasahang magkakaroon na aniya ng sapat na suplay ng COVID-19 vaccines sa susunod na buwan.
Ibig daw sabihin nakamit na ang demand at supaly sa mga bakuna kayat kailangan na ang pagdaragdag ng mga sektor na mababakunahan para maiwasang masayang ang mga bakuna.
Ani Galvez, mataas na ang porsyento ng populasyon sa National Capital Region (NCR) ang nababakunahan kaya nakapokus ngayon sa pantay na distribusyon ng COVID-19 vaccines sa ibang rehiyon at probinsiya sa buong bansa.
Nakadepende naman sa bilang ng mga hindi pa nabakunahang indibidwal mula sa target eligible population ng isang lugar ang pangunahing ikinokonsidera ng pamahalaan sa pamamahagi ng mga bakuna.