-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Umarangkada na ang pagbabakuna sa nasa 3,000 na mga manggagawa sa sektor ng turismo sa isla ng Boracay kasunod sa ceremonial vaccination na pinangunahan mismo ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat at National Task Force Against COVID-19 (NTF) Deputy Chief Implementer at testing czar Vince Dizon.

Nakahanay sa listahan ang 2,178 workers mula sa accommodation business establishments na kinabibilangan ng hotels and resorts; 308 sa restaurants; 140 naman sa tourist transport at 374 mula sa tourism frontline personnel na kinabibilangan ng mga tour guides, boatmen electronic tricycle drivers, airports at seaport frontliners gayundin mga aqua-water sports providers.

Inaasahan na kabuuang 500 workers ang mababakunahan ng Sinovac vaccine na mula sa DoT bawat araw hanggang sa matapos ang target na 3,000 beneficiaries.

Samantala, sinabi naman ni Puyat na sa oras na maturukan lahat ang mga manggagawa, malaking tulong aniya ito upang maabot ang 100 percent vaccination sa nasa 40,000 residente at manggagawa sa buong bayan ng Malay, Aklan.

Sa kabilang dako, kampante naman si Governor Florencio Miraflores at ang iba pang Aklan officials mabakunahan lahat ng nasa tourism sector upang maibalik ang tiwala ng mga turista na ligtas sila sa Boracay kung saan, paraan din aniya ito upang makabangon ang isla mula sa pagkalugmok nito dulot ng pandemya.