-- Advertisements --
Panelo May2
Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo

Nakamasid lamang unano ang Malacañang sa nangyayaring bangayan sa liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso o Kamara.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi ugali ni Pangulong Rodrigo Duterte na makialam sa panloob na usapin ng Kongreso.

Ayon kay Sec. Panelo, namagitan na si Pangulong Duterte kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lourd Allan Velasco noong hingin ang kanyang tulong kaya nabuo ang term-sharing sa speakership sa pagitan dalawang kaalyado.

Kaugnay naman sa pagpapalit ng committee chairmanship sa Kamara, itinuturing umano nila itong panloob na isyu at hindi makikiaalam ang Malacañang.

Magugunitang tinanggal ni Speaker Cayetano si Davao City Rep. Isidro Ungab na kilalang malapit kay Presidential daughter Mayor Sara Duterte-Carpio bilang chairman ng House Committee on Appropriation at ipinalit si ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap na sinasabing malapit naman kay Speaker Cayetano.

Si Ungab ang hinihinala ng kampo ni Speaker Cayetano na nagsumbong kay Pangulong Duterte na mayroong P80 billion pondo na isiningit sa 2020 national budget para sa mga pet project ng mga kongresista kaya hindi inilabas ng Department of Budget and Management (DBM)ang nasabing pondo.

Niliwanag ni Sec. Panelo na kahit sinong maupo sa liderato ng Kamara, walang problema dahil pawang kaalyado ang mga ito ng administrasyon.