KALIBO, Aklan— Hindi umano “big deal” sa pulisya ang itinusok na bandila ng China sa beach front at isang pampublikong eskwelahan sa isla ng Boracay.
Batay sa report mula sa Malay Police Station, walang batas na nagbabawal sa mga dayuhang turista na mag-display ng kanilang mga bandila.
Inihayag naman ni Police Major Jess Baylon, dating hepe ng Malay PNP na posible umanong nagdulot ng negatibong impresyon sa ilang residente ang nangyari ngunit hindi nila maaaring arestuhin ang gumawa nito.
Karamihan ay normal lamang sa mga turista ang naglalagay ng kanilang bandila sa lugar na kanilang pinupuntahan bilang guide ng kanilang assemble area ng iba pa nilang kasama sa tour.
Hindi pa umano natukoy ng pulisya ang turistang bumandera ng China flag sa beach front at Balabag Elementary School sa Boracay makaraang nag-viral ang mga larawan na kumalat sa social media site na umani ng iba’t ibang reaksyon sa mga residente at iba pang mga turista.
Nabatid na nangunguna pa rin ang mga Chinese tourist na bumisita sa pamosong isla ngayong taon batay na rin sa updated record ng Malay Municipal Tourism Office.