COTABATO CITY – Ilang linggo matapos ang pananalasa ng Bagyong Paeng sa lalawigan ng Maguindanao, isa sa sobrang napuruhan ng sira at pagkawasak na dala ng Bagyo ay ang Barangay Kusiong sa bayan ng Datu Odin Sinsuat.
Sa mga naging reports ng pamahalaang panlalawigan at ng DOS Local Government Unit, ang Barangay Kusiong ang teribleng pininsala ng Landslide at ragasa ng tubig na kumitil at sumugat sa buhay ng nakararami, maging ang pagkawasak ng mga yamang pinagkukunan ng kabuhayan pati ang kanilang mga propiedad.
Kinamusta natin ang mga taong nagpamukha sa atin na dapat na tayong kumilos para maalagaan ang kalikasang sagana sa yaman na likas.
Una nating kamustahin ang mga tahanan na pilit pa ring isinasalba ng kanilang mga mahal sa buhay, maging ang paaralan ng baranggay na tinabunan ng rumaragasang baha at lupa sa bundok Minandar.
Kitang kita pa ang ilang linggong binilang ng pagragasa ng lupa, tulong tulong ang lahat ng residente upang malinis at maitayo ang maisasalba pang kabahayan sa lugar.
Isinalaysay sa Bombo Radyo Philippines ni Kapitan Datu Jaffer Sinsuat ang sinapit na trahedya ng kanyang mga kabarangay ng araw na iyon, Oktubre 27 at may bakas pa rin ng pagkagulat at lungkot ang pagsasalaysay nito ng mga pangyayari.
Kitang kita pa rin ng lente ng aming dalang kamera ang tila di pa nasasaayos na mga daanan sa lugar, tambak pa rin ng debris ang daan papuntang barangay.
Tulong tulong din ang bawat pamilya sa paghahain ng makakain, para makapagumpisa ng pananghalian ng nataong kami ay nangangamusta sa kanila.
Kung may bakas ng kalungkutan ang ating mga kababayan na naapektuhan, may isa pa rin naman na nananatiling nakakapit sa pagasa na kanyang kinukuhanan ng lakas ng loob.
Sa panayam namin kay Eboy Ricardo, survivor ng nagdaang sakuna at matagal nang residente sa nasabing barangay, ang tanging hangad nya lamang ngayong pasko ay magkaroon ng kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Bagong Bahay di lamang para sa kanya kundi para din sa kanyang mga kabarangay.
Sa kabuuan, nananatili pa rin na nakakapit sa tulong at awa ng Panginoon para makapamuhay ng normal sa gitna ng naranasang sakuna ang mga nakaligtas sa hagupit ni Bagyong Paeng.