CENTRAL MINDANAO – Upang matiyak na ligtas na at maaari ng mag-alaga muli ng baboy ang mga hog raisers na matinding naapektuhan ng African swine fever (ASF), namahagi ang Department of Agriculture (DA-12) ng mga sentinel pigs sa Covered Court ng Barangay Linangkob, Kidapawan City.
Abot sa 66 alagang baboy o tinaguriang sentinel pigs ang ibinigay sa 15 mga hog raisers sa naturang barangay kung saan magsisilbing experimentation upang malaman kung meron pang ASF sa lugar.
Ayon kay city veterinarian Dr. Eugene Gornez nakapasa sa bio security o mga praktikal na mga pamamaraang itinakda ng DA-12 ang nabanggit na bilang ng mga hog raisers bago sila mabigyan ng alagang baboy tulad na lamang ng malinis na pigpen, sapat at malinis na supply ng tubig, malinis na pagkain at gamot upang makaiwas sa anumang infection o sakit ang mga ito, ayon pa kay Dr. Gornez.
Mahalaga ang pamamahagi ng sentinel pigs dahil dito malalaman kung maaari ng magtuloy-tuloy sa pagpaparami ng alagang baboy ang mga hog raisers sa naturang barangay.
Sinabi naman ni DA-12 livestock coordinator Dr. Jobienaur Moscoso nakapaloob sa Repopulation Program for Swine ng DA-12 ang pamamahagi ng sentinel pigs kung saan sasailalim sa regular na pagsusuri o check up ang mga alagang baboy ganundin ang kanilang mga kinalalagyang kulungan.
Tatagal naman umano ng mula 2-4 months o higit pa ang pagtutok sa mga sentinel pigs ngunit sa kabila nito ay masayang-masaya ang beneficiaries dahil hudyat ito ng pagbabalik-sigla ng kanilang kabuhayan.
Maliban sa alagang baboy, tumanggap din ang mga residente ng hog boosters, disinfectants at mga gamot o biologics mula sa DA12.
Ipinaabot ng mga beneficiaries ang kanilang pasasalamat sa pamamagitan ni Barangay Kagawad Elvie Raut ng Committee on Agriculture.
Lahat sila ay lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama na ang DA-12, City Veterinarian, Provincial Veterinarian Dr. Rufino Sorupia at mga opisyal ng barangay.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng kasiyahan si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa biyayang natanggap ng mga hog raisers. Mahalaga na maipagpatuloy ng mga apektadong hog raisers ang kanilang kabuhayan at makabawi mula sa matinding perwisyong dulot ng ASF nitong 2020.
Samantala, ang iba pang mga barangay na matinding naapektuhan ng ASF nitong nakalipas tulad ng Mua-an, Sikitan, Gayola, at Paco ay mabibiyayaan din ng kahalintulad na programa sa darating na mga araw at inaasahang makakabangon din mula sa hagupit ng ASF.