Aabutin pa umano ng mahigit isang dekada bago muling makabalik sa pre-pandemic growth ang sigla ng ekonomiya sa Pilipinas.
Ayon kay Economic Planning Secretary Karl Chua tinatayang aabot sa P41.4 trillion ang kabuuang halaga ng mawawala dulot ng ipinapatupad na mga quarantine at lockdowns sa kasalukuyan at sa hinaharap pa na sasaluhin ng mga susunod na henerasyon.
Mahigit ito sa dobleng halaga ng gross domestic product ng Pilipinas sa taong 2020 na nasa $361.5 billion base sa taya ng World Bank.
Mararamdaman pa umano ang epektong ito sa mga susunod na 10 hanggang 40 taon ayon kay Chua.
Inaasahan ayon kay Chua na lalago ng apat hanggang sa limang porsyento ang ekonomiya ngayong taon kumpara sa 9.6% na naitala noong 2020.
Aabot naman sa 70% pa ng ekonomiya ang nananatili sa heightened quarantine restrictions apektado ang nasa 23.3 million na manggagawang Pilipino.