LA UNION – Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) sa nangyaring pamamaril na ikinamatay ni ex-Corporal Winston Ragos noong Martes, April 21 sa Quezon City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay CHR Spokesperson, Atty Jacqueline Ann de Guia, nagpahayag ito ng kalungkutan at pagkaalarma sa nangyaring insidente, dahil sundalo ang biktima na nagsilbi sa Marawi siege.
Nakakaalarma aniya dahil dahas ang ginawa ni Police Master Sergeant Daniel Florendo Jr. nang barilin nito ng dalawang beses sa fatal part ng katawan ni Ragos.
Aniya, marami silang tanong na kailangan mabigyan ng kasagutan at hangad nilang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Ragos na naging bahagi sa makasaysayang pagsugpo ng mga terorista sa Marawi.
Nag-ugat ang insidente nang umano’y pagalitan ni Ragos ang mga pulis sa quarantine checkpoint sa Barangay Pasong Putik, Quezon City.
Napag-alaman na na-discharge sa serbisyo si Ragos dahil sa dinaranas na post-traumatic stress disorder (PTSD) matapos ang digmaan sa Marawi noong taong 2017.