-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Tiniyak ng Bugallon PNP na dadaan sa tama at legal na proseso ang pag-iimbestiga sa pulis na napatay ang kapwa pulis matapos niya itong pagbabarilin sa gitna ng isang okasyon sa bayan ng Bugallon, Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Major Jake Isidro, hepe ng Bugallon PNP, dadaan daw sa tamang proseso ang pagsasampa ng kaso laban kay Patrolman Franklym Aquino dahil sa pagpatay nito sa kasamahang si Chief Master Sergeant Reynaldo Estareja.

Aniya, magiging patas ang gagawin nilang pagtrato sa kaso kahit pa pareho nilang kasamahan sa trabaho ang sangkot sa insedente.

Maituturing naman na aniya na case close ang kaso kung saan tinukoy nito na nasa kustudiya na nila ang suspek na si Aquino.

Nasa higher office na rin aniya ang desisyon sa pagsasampa ng kaso laban dito.

Inihayag naman ni Isidro na nasa dalawang panig na kung mapagkakasunduan ang ammicable settlement ngunit tiniyak na dadaan pa rin ito sa tamang proseso.

Nauna rito sa dinaluhang okasyon ng dalawang pulis ay inaya umanong sumayaw ni Estareja ang asawa ni Aquino ngunit hindi umano ito pumayag.

Matapos nito ay umalis umano ang biktima ngunit bumalik matapos na marinig ang pagpapaputok ng baril ng suspek.

Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo na nauwi sa pamamaril ng suspek sa biktima na idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.