KORONADAL CITY – Ipinaliwanag ng Esperanza PNP na wala umanong kaugnayan sa mga insidente ng pamamaril sa Pres. Quirino at Kidapawan City ang pagbaril-patay sa isang negosyante sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Esperanza PNP chief of police Capt. Alexander de Pedro, inihayag nitong isolated case lamang ang pagbaril-patay sa biktimang si Rex Liboon ng Purok Narra Barangay Numo sa naturang bayan.
Ayon kay de Pedro, kanila ring tinitingnan ang mga motibong personal na alitan at droga lalo na’t dati rin itong nakulong dahil sa illegal drugs.
Kung matatandaan, nakatayo lamang ang biktima malapit sa kanyang pwesto sa public market ng bayan ng Esperanza nang bigla itong lapitan ng hindi kilalang suspek at binaril gamit ang kalibre. 45 na pistola.
Isinugod pa ito sa ospital ngunit hindi na umabot pang buhay.