-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa motibo ng pagbaril at pagpatay sa isang tsuper ng tricycle sa San Miguel, Ramon, Isabela.

Ang biktima ay si Harry Gaspar, 57-anyos at residente rin ng naturang lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, personal na nagtungo sa himpilan ng Ramon Police Station ang anak ng biktima na si King Caezar Gaspar at iniulat ang sinapit ng kanyang ama na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang pinaghihinalaan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, umiinom ng alak ang biktima sa kanyang bahay at bandang alas-7 ng gabi noong August 12 nang makarinig ng tatlong magkakasunod na putok ng baril ang kanilang kapitbahay.

Bandang alas-3 na nang madaling araw ng August 13 nang mapansin ng kapitbahay na nakabukas ang gate at pintuan ng bahay ng biktima kaya agad na tumawag sa asawa nito na nasa abroad at ipinaalam din sa kanilang anak na si King Caezar.

Sa isinagawang pagsusuri at pagproseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng pamamaril, narekober sa lugar ang tatlong basyo ng Caliber 45 na baril na ginamit ng hindi pa tukoy na suspek.

Tiniyak ng Ramon Police Station na patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang suspek at motibo sa pamamaril sa biktima.