-- Advertisements --

LAOAG CITY – Hindi pa malaman ng mga otoridad ang tunay na motibo sa pagpatay sa security guard matapos binaril ng riding-in-tandem suspect sa Brgy. Sta. Cruz, Badoc, Ilocos Norte.

Sa panayam kay Police Capt. Joseph Tayaban, hepe ng PNP Badoc, wala pang lead sa krimen ngunit may ilang anggulo ang tinitignan sa pag-iimbestiga.

Ito ay umanoy sangkot ang biktima na si Sherwin Dumadag sa pag-ambush sa isang Sangguniang Bayan Member sa bayan ng Solsona, Ilocos Norte kung saan kinasuhan ito ng attempted murder.

Nalaman pa ni Tayaban na isang drug surenderee ang biktima noong taong 2016.

Iginiit naman ng pamilya ng biktima na wala silang alam na kinasangkutan na away ang namatay na miembro ng kanilang pamilya.

Natanggal na rin sa listahan ng person of interest ang indibidual na unang sinita sa isang checkpoint sa Badoc matapos ang krimen.

Idinaan naman sa paraffinexamination ang mga kasama ng biktima at wala pang lumalabas na resulta.