-- Advertisements --

(Update) BAGUIO CITY – Binuo na ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR) ang Provincial Special Investigation Task Group kaugnay sa kaso sa pagbaril sa isang American-Chinese national sa Ifugao.

Una rito, malubhang nasugatan si Brandon Lee, 37, residente ng Dugong, Tungngod, Lagawe, Ifugao, matapos barilin ng hindi nakikilalang gunmen, dakong alas-6:00 ng gabi nitong nakalipas na Lunes, August 5.

Si Lee na noo’y kagagaling lang sa pagsundo sa kanyang anak mula sa paaralan, ay nagsisilbing rights advocate at journalist.

Kaagad namang dinala sa pagamutan si Lee na na-coma matapos magtamo ng apat na tama ng bala ng baril.

Ayon kay B/Gen. Israel Ephraim Dickson, regional director ng PROCOR, pangungunahan ni Col. Mafelin Bazar, deputy regional director for operations ng PROCOR, ang nasabing task force na tututok sa case build-up at imbestigasyon.

Aniya, mahigpit din nilang kinokondena ang pag-atake kay Lee na isa ring paralegal volunteer ng Ifugao Peasant Movement.

Umaapela rin ito sa mga makakapagbigay ng impormasyon sa insidente na makipag-ugnayan sa mga otoridad para sa mabilis na paglutas sa kaso at makamit ang hustisya.

Napag-alaman na noong taong 2015, isa si Lee sa mga miyembro ng nasabing movement at ilan pang mga aktibista na inakusahan ng militar na sumusuporta sa New People’s Army.