BACOLOD CITY – Umapela ang alkalde ng Himamaylan City, Negros Occidental, sa mga pulis na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang mga suspek na pumatay sa senior high school teacher kasabay ng bisperas ng halalan kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Col. Reynante Jomocan, hepe ng Himamaylan City Police Station, kinilala ang biktimang si Mercy Miguel, 49-anyos at nagtuturo ng MAPEH sa Himamaylan City National School.
Sa inisyal na imbestigasyon, kakarating lang ng mag-asawang Miguel sa kanilang bahay galing sa public plaza kasunod ng pagsumbong ng kanilang mga anak na may mga nakaharang na bato sa daan sa Crossing Calasa, Barangay Caradio-an. Kanila itong binalikan kasama ang bayaw upang itabi sana dahil malapit lang naman ito sa kanilang bahay.
Nang bumaba ang mag-asawa sa motorsiklo, binaril ang mga ito ng mga suspek mula sa damuhan at tinamaan ang guro sa tiyan.
Dinala pa ang biktima sa Gov. Valeriano Memorial Hospital ngunit ito ay binawian na ng buhay.
Ayon kay Jomocan, tinutukoy pa ang motibo sa krimen dahil hindi naman binaril ang kanyang mister.
Tinitingnan din ang posibilidad na mistaken identity ang nangyari kung saan wala pang mga bato sa kalsada nang dumaan ang mag-asawa dahil mas nauna ang mga ito sa kanilang mga anak.
Si Miguel ay magsisilbi pa sanang support staff ng Electoral Board sa Himamaylan City National High School kasabay ng eleksyon ngayong araw.
Ang kanyang mister ay pinsan ng tumatakbong konsehal sa Himamaylan ngunit hindi naman involved sa politika ang mag-asawa.
Samantala, kinondena ni Mayor Raymond Tongson ang krimen at umaasang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng guro.