GENERAL SANTOS CITY – Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pangha-harass sa himpilan ng Bombo Radyo GenSan.
Ito ay matapos na pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek na sakay ng pulang pick-up ang Bombo Radyo Gensan Broadcast Center pasado alas-8:30 kagabi.
Sa nasabing oras ay nagpoprograma si Bombo Jojo Bacalanmo sa anchor’s booth kung saan tinatalakay nito ang issue ukol sa KAPA, habang on-duty naman sa newsroom si Bombo Boy Galano nang mangyari ang insidente.
Nabasag ang glass door at tumama ang bala sa salamin ng recording room pero mabuti na lamang na walang tao nang mga panahong iyon.
Narekober ng SOCO sa recording room ang isang deformed slug ng 9mm pistol habang may anim na empty shells ng .45 caliber pistol ang nakita naman sa harap ng himpilan ng radyo.
Paniwala ni Bombo Jonathan “Janjan” Macailing, station manager, ang pangyayari ay may malaking kaugnayan sa mainit na pagtalakay ng himpilan sa pagpasara sa KAPA Ministry ni Pastor Joel Apolinario.
“Yes, intentional talaga na may patatamaang tao noong mangyari ‘yon kagabi sa harap mismo ng station nasa harap mismo ang pickup, nagsimula na silang magpaputok. In fact, ‘yong isang bala na tumama doon mismo sa galing sa gate dire-diretso papunta doon sa main door, lumusot ito papunta sa recording room. ‘Yong iba pang mga empty shells 10 to 15 meters galing sa gate doon na ‘yong volume of fire kumbaga. Doon na nila inilabas ng mga suspek ang kanilang baril doon mismo sa bintana sa backseat ng driver seat.”
Inamin pa ng station manager ng Bombo Radyo GenSan na may natatanggap na siyang mga banta sa kanyang buhay at maging sa ilang empleyado ng istasyon bago pa man naganap ang pamamaril kagabi.
“Kung titingnan natin sa mga program may natatanggap tayong mga threats sa hindi natin kilala na mga personalidad dahil doon nila ipinapadala sa ini-on air natin na cellphone numbers na tumatanggap ng mga test messages,” ani Macailing. “Marami kasing nagpapalabas at nagpapaaabot ng hinanakit sa Bombo Radyo dahil tina-tackle natin ang issue sa pyramiding scam na KAPA. Napapansin natin may nagpapaabot ng pagkagalit maging sa NBI, SEC at kay Pangulong Duterte na nag-utos ng crackdown sa iligal na operasyon ng KAPA.”
Una rito, nakapag-return fire ang dalawang nakatalagang security personnel ng Bombo Radyo GenSan laban sa mga suspek subalit mabilis na nakatakas ang mga ito lulan ng pulang pick-up.
Ligtas naman ang lahat ng mga empleyado ng Bombo Radyo Gensan at sa kabila ng pangyayari ay iginiit na sila ay maninindigan pa rin para sa katotohanan.
Kung maipapaalala bago pa man iniutos ng Pangulong Duterte ang crackdown sa NBI at CIDG sa mga tanggapan ng KAPA noon pa mang nakaraang taon ay lumutang na ang mga expose sa Bombo GenSan kaugnay sa iligal nitong operasyon na nagkukunwari umano sa ilalim ng mga religious activity.
Kamakailan lamang ay idineklara ng SEC at NBI na ang KAPA ni Pastor Apolinario ay maituturing na pinakamalaking Ponzi scam o pyramiding scam sa kasaysayan ng Pilipinas.