Muling ipinagpaliban ngayong Lunes ang arraignment o pagbasa ng sakdal kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa kasong graft sa Valenzuela city court.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera, inilipat sa hapon ng Oktubre 28 ang arraignment ni Guo.
Hindi naman binanggit ng opisyal ang dahilan ng pagpapaliban ng arraignment, bagkus sinabi nito na tanging ang notice lang kaugnay sa reschedule ang ipinaabot umano sa BJMP.
Matatandaan na una ng hindi natuloy ang pagbasa ng sakdal kay Guo sa naturang kaso noong Setyembre 20 sa gitna ng nakabinbin nitong motion to quash sa kasong inihain laban sa kaniya.
Nauna na ring naglagak ng piyansang P540,000 si Guo sa Valenzuela City RTC Branch 282 para sa mga kasong may kinalaman sa Anti-graft and corrupt practices act.
Nag-ugat ang kasong graft ni Guo mula sa reklamong inihain ng Department of the Interior and Local Government kaugnay sa umano’y pagkakasangkot nito sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Bamban, Tarlac.