(Update) BACOLOD CITY – Itinuturing na tagumpay ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang pagbasura ng Department of Justice (DOJ) sa kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa kanilang kasamahan na si Atty. Katherine Panguban may kinalaman sa Sagay 9 massacre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Atty. Ephraim Cortez, secretary general ng NUPL, sinabi nito na ang pagbasura ng DOJ sa nasabing kaso ay patunay lamang na walang basehan ang mga alegasyon laban kay Panguban.
Si Panguban ay unang inireklamo ng ama ng 14-anyos na survivor at testigo sa massacre.
Ngunit sa resolusyon ng DOJ na pirmado ni Assistant State Prosecutor Ferdinand Fernandez, walang probable cause upang tuluyang kasuhan sa korte si Panguban dahil boluntaryong sumama sa kanya ang 14-anyos.
Maalalang nakaligtas ang menor de-edad ng paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang kanilang tolda sa loob ng kampo ng tubo sa Hacienda Nene, Brgy. Bulanon, Sagay City noong Oktubre 20, 2018 kung saan saan siyam sa kanyang kasamahan na miyembro ng National Federation on Sugar Workers (NFSW) ang namatay.
Napag-alaman na mula sa Sagay City Prosecutor’s Office, inilipat ang kaso sa DOJ.
Sa ngayon ay hinihintay ng NUPL ang resolusyon sa kaso na isinampa laban naman sa mga kasamahan ng biktima na sina Rene Manlangit at Rogelio Arquillo.