-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Muling pinapaalalahanan ng pulisya ang mga magulang sa mahigpit na pagbantay ng mga ito sa kanilang mga anak.

Kasunod ito ng insidente kung saan pinaniniwalaang sinakal, pinatay at hinalay ng isang minero ang isang dalagita sa bayan ng Itogon, lalawigan ng Benguet nitong Sabado.

Una rito, inireport na missing ang 10-anyos na dalagita hapon ng Biyernes.

Ayon kay PMaj. Mathew Burgos, hepe ng Itogon Police, naligo ang dalagita ang ina nito sa communal bathroom ng bunkhouse na tinitirhan ng mga ito.

Una aniyang umalis ang ina ngunit muli itong bumalik sa communal bathroom ng hindi agad sumunod ang kanyang anak na dalagita.

Gayunman, hindi na nadatnan ng ina ang dalagita at damit na lamang ng kanyang anak ang kanyang nakita.

Agad dilang nagpasaklolo sa mga pulis kaya isinagawa ang search operation.

Umaga ng Sabado, nakatanggap ang mga pulis ng tawag mula sa isang concerned citizen ukol sa nakitang bangkay sa isang bangin na may lalim na 50 metro.

Agad silang nagtungo sa nasabing lugar kung saan dito na nakita ang hubad na bangkay ng dalagita na nakasilid sa sako.

Sa follow-up investigation, nahuli ang 40-anyos na suspek sa tulong na rin ng mga testigo.

Sinabi pa ni Major Burgos na hindi pumalag ang suspek ng ito ay arestuhin ng mga pulis at inamin nito na sinakal lamang nito ang biktima.

Napag-alaman pa na magkapitbahay ang suspek at biktima.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Itogon Municipal Police Station ang suspek habang hinihintay ang resulta ng otopsiya sa bangkay ng biktima.