-- Advertisements --
image 124

Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Sandiganbayan noong 2012 na nagbasura sa kasong ill-gotten wealth laban sa ari-arian ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at iba pa.

Sa 62-pahinang desisyon, kinatigan ng SC En Banc ang desisyon ng Sandiganbayan noong Hunyo 2012 at resolusyon noong Setyembre 2012 na nag-dismiss sa ikalawang inamyendahang reklamo ng gobyerno para sa pagsasauli ng mga ari-arian, pagbabalik ng titulo, accounting, at pinsala.

Ayon sa SC, ang petition for review on certiorari ng Republika ng Pilipinas ay ibinasura dahil sa kawalan ng merito.

Matatandaan na naghain ng reklamo ang pamahalaan sa pamamagitan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) noong 1987 sa Sandiganbayan laban kay dating Pang. Marcos Sr., dating First Lady Imelda Marcos, Lucio Tan, Don Ferry, at 22 iba pa para sa umano’y ill-gotten wealth.

Noong 2012, ibinasura ng Sandiganbayan ang reklamo dahil sa kabiguan ng pamahalaan na patunayang nakaw na yaman ang mga assets at ari-arian ng pamilya Marcos dahil hindi naipakitang nagmula ang mga ito sa government sources.

Base kasi sa kataas-taasang hukuman, para maikonsiderang nakaw na yaman ang mga ari-arian, dapat na nagmula ito sa gobyerno at kinuha sa iligal na paraan.

Habang noong Setyembre 2012, ibinasura naman ng Sandiganbayan ang motion for reconsideration na inihain ng pamahalaan.