Bumuhos ang pagbati sa Team Pilipinas matapos ang nakakabilib na performance ni Cris Nievarez kaninang umaga sa rowing sa men’s single sculls.
Nakuha kasi ng Pinoy athlete ang third place sa ginanap na Heat 5 sa Sea Forest Waterway sa Tokyo, Japan.
Dahil dito sasabak na ang 21-anyos na si Nievarez sa next round sa Lunes sa quarterfinals.
Nanguna sa kanyang heat kanina si 2016 Rio Olympics silver medalist Damir Martin ng Croatia sa oras na 7:09.17.
Ayon sa Cris, malaki ang kanyang respeto sa Croatian rival na beterano na ng Olympics kaya naman ang ginawa niya ay todo bantay sa kanyang diskarte at mamantine ang agwat sa mga kalaban sa ikatlong puwesto.
Sa bawat heat kailangan lang kasi na makuha ang Top 3 para umusad sa quarterfinals.
Pumalangawa naman si Alexander Vyazovkin ng Russian Olympic Committee na nagposte ng 7:14.95. Habang ang Pinoy ay nagtapos sa oras na pitong minuto at 22.97 segundo.
Si Nievarez ay tubong Atimonan, sa Quezon Province at siya ang pinakabatang entry sa rowing na isinagawa ilang oras bago ang pagsisimula ng formal opening ceremony sa Olympic Village.
Huling nagkaroon ng entry ang Pilipinas sa Olimpiyada ay 20 taon na ang nakakalipas.
Sa ngayon buhos naman sa mga social media sites ang pagbati sa delegasyon ng bansa lalo na kay Nievarez sa kanyang ipinakitang solid performance sa kabila ng mga kalabang world class athletes.
Kung maalala noong nakaraang 2019 SEA Games ay nasungkit ni Cris ang gold medal sa kanyang event.