Patuloy ang pagbuhos nang pagbati mula sa maraming kababayan kay EJ Obiena sa kabila nang pagkabigo nitong umabot sa podium finish sa finals ng pole vault event na ginanap sa Tokyo National Stadium.
Una rito, nabigong maitawid ni Obiena hanggang sa ikatlo niyang attempt ang 5.80 meters.
Bago ito ay na-clear niya ang 5.50 meters at 5.70 meters.
Tanging si EJ na lamang na atleta mula sa Asya ang natira na nakipaghamok sa mga world’s best mula sa Europa at sa Americas.
Nagtapos siya sa kampanya sa Olimpiyada 11th place. Kung tutuusin hawak ni Obiena ang 5.87 meters na siyang kanyang national record sa Pilipinas.
Medyo minalas pa ang pambato ng Pilipinas sa athletics dahil kinailangan din niyang ulitin ang ginawa niyang attempt sa 5.70 matapos mauwi sa fou[ ang unang pagtatangka niya.
Samantala, tulad nang inaasahan nasungkit ng world record holder ng Sweden na si Armand “Mondo” Duplantis, 29, ang gintong medalya nang umabot sa 6.02 meters ang kanyang natalon.
Ang Olympic record holder mula sa Brazil na si Thiago Braz ay nagkasya sa bronze medal nang ma-clear niya ang 5.87 meters.
Habang ang pole vaulter mula sa US na si Christopher Nilsen ang nakakuha ng silver nang itala ang lifetime best niya na 5.97 meters.