-- Advertisements --
ESDG

Bumuhos ang pagbati kay veteran journalist Maria Ressa matapos na pangalanan siya bilang Nobel Peace Prize awardee ngayong taon dahil sa pagsusulong niya sa press freedom sa ilalim ng Duterte administration.

Nanguna sa bumati ay si Vice President Leni Robredo kung saan sinabi nito na nasuklian din ang walang kapaguran ni Ressa sa paglabas ng katotohanan.

Itinuturing naman ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) na ang panalo ni Ressa ay panalo rin ng press freedom advocates ng bansa.

Sa panig naman ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) na ang panalo sana ni Ressa ay magsilbing inspirasyon ng ibang mamamahayag na inaatake ang kanilang demokrasya at kalayaan.

Maging si dating US Secretary of State Hillary Clinton at Nobel Laureate Malala Youzafzai ay hindi rin nagpahuli na batiin si Ressa.

Sinabi ng dating senadora na siya ay kinilig nang mabalitaan ang pagkapanalo ni Ressa kung saan hinikayat niya ang mamamayan na pakinggan ang podcast conversation ng dalawa noong Pebrero kung paano nakayanan ng beteranang journalist ang Duterte administration at ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon sa Facebook.

Ayon naman kay Youzafzai, isang malaking karangalan ang ginawang paglaban ni Ressa sa promosyon ng press freedom kung saan nararapat na patuloy na isagawa ang paglaban at ang paghamon sa mga lider para ma-improve ang social systems.

Si Yousafzai ay ginawaran ng Nobel Peace Prize noong 2014 dahil sa adbokasiya nito sa edukasyon sa mga kabataan at pagkakapantay-pantay ng mga kababaihan.

Magugunitang kasama ni Ressa si Dmitry Muratov ng Russia na ginawaran ng Nobel Peace Prize dahil sa paglaban sa karapatan ng mga mamamahayag.