Bumuhos ang pagbati kay retired NBA player Dwayne Wade matapos kumpirmahin nito na kabilang na siya sa may-ari ng NBA top team ngayon na Utah Jazz.
Kung maalala huling naglaro si Wade, dalawang taon na ang nakakalipas sa ilalim ng Miami Heat kung saan inabot siya ng 14 na season.
Ang three-time NBA champion ay makakasama niya bilang majority sa ownership ang team governor na si Ryan Smith.
Hindi naman isinapubliko kung magkano ang ibinuhos niya na financial investment sa naturang prangkisa.
Para naman kay Wade, na dating eight-time All-NBA player sa Miami, nais niyang magkaroon ng aktibong papel sa Jazz kung saan kabilang sa malapit nitong kaibigan ay ang superstar point guard na si Donovan Mitchell.
Kabilang sa bumati kay Dwayne ay ang Heat owner na si Micky Arison.
Nanghinayang ito na sana sa Miami na lang ito naging co-owner.
Sa ngayon napabilang na rin si Wade sa mga basketball legends na nagmamay-ari na ng mga NBA teams.
Katulad na lamang ni Grant Hill ng Atlanta Hawks, Shaquille O’Neal na part owner ng Sacramento Kings at ang Charlotte Hornets majority owner na si Michael Jordan.
Ang isa pang NBA great na si Magic Johnson ay dati ring may 4% share sa Los Angeles Lakers.