-- Advertisements --

Patuloy pa rin ang buhos ng pagbati kay NBA star LeBron James matapos na magtala ng panibagong record.

Siya lamang kasi sa kasaysayan ng NBA na mayroong 50,000 points sa regular at playoff season.

Nakamit nito ang nasabing record sa panalo ng Los Angeles Lakers kontra sa New Orleans Pelicans nitong araw ng Miyerkules sa score na 136-115.

Bago kasi ang laro ay kinailangan lamang ng four-time NBA Most Valuable Player ng isang puntos para makamit ang nasabing record dahil mayroon na itong 41,837 points sa regular season at 8,162 points naman sa playoffs na kapag pinagsama ay aabot sa 49,999.

Labis na nagpapasalamat ang Lakers star dahil sa naitala niyang bagong record.

Nagtapos ang laro na mayroon itong 34 points na nagdala sa kaniyang total career points na 50,033.

Nasa pangalawang puwesto na ngayon si Hall of Fame Center Kareem Abdul-Jabbar na mayroong 44,149 combined points habang ang active player na Phoenix Suns star Kevin Durant ay mayroong 35,225 combined points.

Una ng nalampasan ni James si Abdul-Jabbar na mayroong regular season scoring noong 2023 na nakapagtala ng 40,000 points.

Mula ng ma-draft ng Cleveland Cavaliers noong 2003 ay hawak din nito ang record na 21 All-Star appearance.

Halos lahat ng mga fans at kapwa sports personalities ang nagpaabot ng pagbati sa bagong accomplishements na ito ng 40-anyos na manlalaro.