Patuloy ang pagbuhos ng pagbati mula sa iba’t-ibang lider ng bansa sa pagkapanalo ni Claudia Sheinbaum bilang bagong pangulo ng Mexico.
Ang 61-anyos na si Sheinbaum ay naging kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa.
Bago tumakbo bilang pangulo ay nanilbihan ito bilang alkalde ng Mexico City na siya ring ang naging kauna-unahang babaeng alkalde ng Mexico.
Papalitan niya si Mexican President Andrés Manuel López Obrador na magtatapos ang anim na taon na termino nito sa Oktubre 1.
Sinabi ni Obrador na hindi niya iimpluwensiyahan ang bagong pangulo na pumili ng mga itatalagang gabinete.
Tinalo ni Sheinbaum ang negosyanteng si Xóchitl Gálvez sa katatapos na halalan.
Nanguna sa bumati sa bagong pangulo ng Mexico ay si US President Joe Biden kung saan sinabi nito na umaasa itong magiging mas mahigpit pa ang relasyon ng dalawang bansa.
Pinuri din siya ng mga leader mula sa Latin America gaya nina Cuban President Miguel Diaz-Canel, Honduran President Xiomara Castro, Venezuelan President Nicolas Maduro, Bolivian President Luis Arce at Colombian President Gustavo Petro kung saan hangad nila ang matagumpay nitong pamamahala sa bansa.