Patuloy ang pagbuhos ng mga pagbati mula sa iba’t-ibang lider ng bansa matapos na manalo muli si US President Donald Trump.
Nanguna si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa pagbati kay Trump kung saan umaasa ito na magkakaroon pa lalo ng mahigpit na ugnayan ang US at Pilipinas.
Maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay binati si Trump kung saan ibinahagi pa nito ang mga larawan nilang dalawa noong ito ay pumasyal sa US.
Tinawag naman ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na isang makasaysayan ang pagbabalik ni Trump sa US na itinuturing niyang isang kaibigan.
Sa pahayag naman ng Hamas government, na dapat ay pakinggan ni Trump na ang boses ng mga Americans na kontra sa anumang panghihimasok sa Gaza.
Tiniyak naman ni Palestinian President Mahmoud Abbas na kanilang susuportahan ang anumang programa ni Trump.
Umaasa naman ang Taliban government na magkakaroon ng bagong kabanata ang relasyon nila sa US dahil sa panalo ni Trump kung saan sinabi ni Foreign Ministry spokesman Abdul Qahar Balkhi na malaki ang tiwala nilang magkakaroon na ng magandang relasyon ang dalawang bansa.
Nanindigan namansi Chinese Ministry of Foreign Affairs spokeswoman Mao Ning na hindi nagbabago ang polisiya nila sa US.
Naniniwala naman si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na ang ‘peace through strength’ approach ni Trump ay magdadala ng kapayapaan sa Ukraine.
Umaasa naman sina Egyptian President Abdel Fattah el-Sisi , Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al-Thani ng Qatar at United Kingdom Prime Minister Keir Starmer , na magiging maganda pa ang kanilang relasyon.
Maging ang United Nations, European Union at North Atlantic Treaty Organization (NATO) ay nagpaabot ng pagbati kay Trump kung saan tiniyak nila ang pagpapanatili ng mainit na ugnayan nila sa US.