-- Advertisements --

Patuloy pa rin ang pagbuhos nang pagbati sa naging panalo ng Pilipinas sa pamamagitan ni Maureen Montagne sa Miss Globe 2021.

Kabilang sa labis na nagbubunyi ay ang pamunuan ng Binibining Pilipinas Charities, Incorporated (BPCI) dahil sa back-to-back win para sa bansa.

Kung maalala noong nakaraang linggo lamang ay nanalo rin si Cindy Obeñita bilang Miss Intercontinental 2021.

MAUREEN MS GLOBE

Ayon sa namumuno ng Binibining Pilipinas na si Stella Marquez Araneta labis silang humahanga sa naging achievement ng 26-anyos na Pinay model-event host na mula sa Batangas.

Sa ngayon, hindi na raw sila makapag-antay na masalubong ito at ipaabot ang mainit na pagbati matapos na talunin ang may 50 mga contestants sa iba’t ibang panig ng mundo.

Si Maureen ang ikalawa sa nanalo ng Miss Globe para sa bansa kung saan ang una ay si Ann Colis noong taong 2015.

Si Maureen ay ipinanganak at lumaki sa Chandler, Arizona, USA.

Sinasabing liban sa dugong Pinay, siya rin ay may French descent.

Maituturing na beterana na rin sa beauty pageants si Maureen.

Noong taong 2013 siya ay napiling first runner up sa Mutya Ng Pilipinas.

Sumabak din siya sa Miss Arizona pageant, hanggang sa lumaban sa Miss USA 2015 at pumwesto sa Top 15.

Pagkatapos nito sumali rin siya sa Miss World America noong 2017 at naging first runner-up.

Kinoronahan din siyang Miss Eco Philippines noong 2018, at naging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Eco International na ginanap sa Egypt kung saan nasungkit niya ang first runner-up.

Nito namang taon siya ang napiling Binibining Pilipinas Globe na naging kinatawan ng bansa nitong Sabado sa bansang Albania.