-- Advertisements --

Patuloy na bumubuhos ang pagbati sa Milwaukee Bucks kasunod ng kampeonato nito sa NBA Cup 2024. Maraming mga NBA legend at mga player ang nagpaabot ng kanilang pagbati sa koponan matapos maibulsa ang ikalawang NBA Cup trophy sa kasaysayan ng liga.

Sa finals ng NBA Cup 2024 ay tinambakan ng Bucks ang Oklahoma City Thunder ng 16 points.

Sa unang kalahating bahagi ng laban, lamang ang Bucks ng isang puntos, 51 – 50 sa pangunguna ni 2-time NBA MVP Giannis Antetokounmpo na kumamada ng 14 points at anim na rebounds sa loobh lamang ng 19 mins.

Tinulungan siya ni Damian Lillard na nagbuhos ng 12 points at apat na asissts.

Tinapatan din ni Thunder center Isaiah Hartenstein ang performance ni Giannis at nagbulsa rin ng 14 points, 6 rebounds sa loob ng 16 mins.

Sa 1st half, pitong 3-pointer ang ipinasok ng Bucks mula sa 19 na pinakawalan. Tanging isang 3-pointer ang naisagot ng Thunder mula sa 17 attempts nito.

Gayunpaman, bumawi naman ang Thunder sa free throw matapos itong gawaran ng kabuuang 16 free shots kung saan 13 dito ang kanilang naipasok. Anim lamang ang naisagot dito ng Bucks.

Pagpasok ng 2nd half, itinuloy pa ng Bucks ang pagdomina sa laban at nagawang paabutin sa 20 points ang kalamangan sa mga unang minuto ng 4th quarter.

Pagsapit ng 8min mark sa 4th, unti-unting bumangon ang OKC sa pangunguna ni Shai Gilgeous Alexander at naibaba sa less than 15 points ang kalamangan.

Gayonpaman, pinilit pa rin ng Bucks na maungusan ang kalaban gamit ang bigtime performance ni Giannis Antetokounmpo na gumawa ng triple-double: 26 – 18 – 10. Tumulong din ang 3-point star na si Damian Lillard na nagpasok ng 23 points.

Tinapos ng Bucks ang laban sa score na 97 – 81.

Hindi umubra ang 21 point-performance ni Thunder star Shai Gilgeous Alexander, kasama ang 16 points at sampung rebound ng sentrong si Hartenstein.

Sa kabuuan ng laban, tanging limang 3-pointer lamang ang naipasok ng OKC mula sa 32 pinakawalan habang 17 3-pointer ang sunod-sunod na pinakawalan ng Bucks.

Ito ang ikalawang edisyon ng NBA Cup matapos itong simula nitong nakalipas na taon kung saan napunta sa Los Angeles Lakers ang unang championship trophy.

Sa ilalim ng NBA Cup, ang bawat player ng champion na koponan ay makakatanggap ng tig-$500,000 habang ang mga player ng 1st runner up team ay ay makakatanggap ng tig – $205,988.