ILOILO CITY – Nakatakdang magpalabas ng executive order si Iloilo City Mayor Jerry Treñas para isa-isahin ang mga adjustments sa energy consumption sa lungsod habang hindi pa umano estable ang transmission lines ng National Grid Corporation of the Philippines.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Treñas, sinabi nito na layunin nito na bawasan ang demand ng kuryente sa Iloilo City upang maiwasan ang sunod-sunod na power interruptions kagaya ng nangyari noong nakaraang linggo.
Kabilang sa plano ay ang pagbawas ng oras ng operasyon ng mga ilaw o street lights at pagpatay ng lights sa mga plaza at esplanade pagsapit ng alas diyes ng gabi.
Nararapat rin ayon sa alkalde, i-set rin sa 25 o 26 degrees celcius ang thermostat sa mga air conditioners sa Iloilo City Hall at hihikayatin rin ang mga empleyado sa paggamit ng natural light.
Inaasahan rin na ipapatupad rin ito sa ibang government agencies na naka-base sa lungsod ng Iloilo.
Pinag-aaralan rin ang pagbawal ng mga perya sa barangay fiesta dahil malaki umano ang demand nito sa kuryente.
Ang nasabing conservation measures ay inaasahang ipapatupad hanggang Agusto dahil itong buwan pa umano ang commitment ng Visayas grid operator na matapos nito ang improvement sa transmission lines.