Aprubado na umano ni US President Donald Trump ang pagpapauwi sa 9,500 sundalong Amerikano na nakabase sa mga himpilan sa Germany sa buwan ng Setyembre.
Ayon sa isang senior US official, balak umanong limitahan ni Trump sa 25,000 ang bilang ng mga US troops sa Germany, mas mababa kumpara sa 34,500 na kasalukuyang naroon.
Posible umanong ipadala sa ibang lugar ang tropa, o pabalikin na lamang sa Amerika.
Kung maaalala, lumala ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng mga kaalyado nito sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) matapos umupo si Trump sa puwesto.
Sinabi noon ni Trump na hindi na raw dapat pang dumedepende sa US ang mga miyembro ng NATO para gastusan ang pagpapanatili sa kanilang alyansa.
Sa panig naman ng Germany, sinabi ni Johann Wadephul, deputy chair ng parliamentary group na Christian Democratic Union (CDU), tila “wake-up call” daw ang hakbang na ito ng Estados Unidos.
“The plans show that the Trump administration is neglecting an elementary task of leadership, to bind coalition partners into decision-making processes,” wika ni Wadephul.
“Everyone profits from the alliance sticking together, only Russia and China profit from discord. Washington should pay more attention to that,” dagdag nito. (BBC/ The Guardian)