TUGUEGARAO CITY – Magsasagawa umano ng double check ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) hinggil sa pagbawi ng mga mangingisda na binangga ng Chinese vessel sa West Philippine Sea kaugnay sa inihain nilang petisyon para sa Writ Of Kalikasan sa Supreme Court (SC).
Sinabi ni IBP President Atty. Domingo Cayosa na kakausapin muli nila ang mga naghain ng petisyon upang malaman kung kusang loob ang napaulat na pag-atras.
Ayon kay Cayosa, nakasaad sa inihaing affidavit ng mga nasabing mangingisda na isinumite ng Office of the Solicitor General sa SC na hindi nila alam na ang Writ of Kalikasan ay kaso laban sa ilang ahensiya ng gobyerno.
Kung totoo man aniya ang naging hakbang ng mga naghain ng petisyon ay wala silang magagawa.
Subalit puwede pa naman daw maghain muli ng kaso kung may maninindigan na sila ay agrabyado dahil sa kawalan ng proteksyon ng pamahalaan sa mga teritoryo at mga yamang-dagat ng ating bansa.
Idinagdag pa ni Cayosa na maaaring binawi ng mga petitioners ang kanilang naunang sinumpaang salaysay matapos silang kausapin ng Philippine Navy pero wala pa silang sapat na basehan dito.
Kasabay nito, iginiit ni Cayosa na dapat na mapanagot ang mga Chinese na kumuha ng malalaking clams at sumira sa coral reefs sa mga karagatang sakop ng ating bansa.
Ayon sa IBP president, napatunayan sa internationl court ang ginawa ng mga Intsik subalit hanggang ngayon ay hindi pa sila nakakasuhan.
Ang Writ of Kalikasan ayon kay Cayosa, ay isang petisyon na humihiling sa SC na atasan ang mga kaukulang ahensiya tulad ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at iba pa, na protektahan ang mga isla, yamang-dagat at lahat ng nasa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas mula sa pagkasira.