Hindi umano kumbinsido ang ilang grupo at maging ang Women’s Tennis Association (WTA) na kapani-paniwala ang pagbawi ng Chinese tennis star na si Peng Shuai na hindi naman daw siya biktima ng sexual harassment.
Una nang umani ng iba’t ibang mga reaksiyon ang paglutang ni Peng sa isang video upang linawin na wala naman daw siyang sinasabi na biktima siya ng pangmomolestiya ng dating Chinese Vice Premier Zhang Gaoli.
Kung maalala, inabot din ng tatlong linggo ang 35-anyos na tennis player matapos ang ibulgar niya sa social media sa China ang malaking iskandalo.
Dahil sa pagbaliktad ni Peng, duda pa rin si Women’s Tennis Association chief Steve Simon sa bagong statement nito.
Bagamat nagagalak sila na makita sa publiko ang player, hindi pa rin maaalis ang alinlangan na maaring napilit lamang ito o may pressure sa kanya ang Chinese government.
Binati naman ni Yaqiu Wang ng Human Rights Watch, ang Chinese Communist Party sa tagumpay upang mapabaligtad sa kanyang kuwento ang tennis superstar.
“Wow, so natural, very real, everyone now believes it. Congratulations, the CCP!” ayon pa sa Twitter post ni Wang.